MANILA, Philippines – Independent presidential candidate Grace Poe held her final rally on Saturday, May 7, at Plaza Miranda in Quiapo, Manila.
Her campaign turned full circle here. This was where she kicked off the 90-day period to officially court votes. It was in this area near the Quiapo Church where she said she first learned that the biggest hurdle to her presidential bid had been removed– the Supreme Court allowed her to run for president despite issues about her citizenship and residency.
Here's the full text of Poe's speech at her final campaign rally:
***
Magandang gabi po sa inyong lahat. Maraming salamat po. Maraming salamat sa Poong Maykapal, kay Nazareno, na ako ay kanyang ginabayan at tayo ay kanyang prinotektahan nitong mga nakaraang 90 araw ng kampanya at bago pa doon. Mga kababayan, inaalay ko ang aking pagtakbo sa ating Panginoon at sa inyong lahat. Maraming-maraming salamat po.
Hindi natin alam kung bakit tayo naririto minsan. Hindi natin alam kung paano magsisimula ang ating buhay. Sino ang mag-aakala na ang isang batang iniwan sa simbahan ay makakarating dito sa harap ninyo? Sino ang mag-aakala na ang isang batang iniwan ay magkakaroon ng mga magulang na aalagaan siya, aarugain, at ibibigay ang pangangailangan upang maipagpatuloy kung ano ang nararapat at makatulong sa kanyang kapwa? Kaya itong araw na ito ay araw ng pasasalamat.
Ngayong Araw ng mga Nanay, nais kong pasalamatan at nais ko ring ihandog sa aking inspirasyon, sa aking lakas, at sa taong responsible kung bakit naririto ako ngayon. Maraming salamat, Mama. Happy Mother’s Day. At sa lahat ng mga nanay na naririto ngayon, pat yourselves on the back. Maraming salamat po sa lahat ng mga nanay na naririto rin ngayon sapagkat alam ko, sa lahat ng pinagdaraanan ninyo, palaging nangingibabaw ang pagmamahal sa inyong mga anak, sa inyong pamilya.
Mga kababayan, ito na siguro ang isa sa pinakamahirap na pinagdaanan ko at pinagdaanan ng aking pamilya. Huwag po kayong mag-isip na hindi ako naghanda para dito. Handa po ako, nakita ko ang pinagdaanan ng aking ama. Sa totoo lang po, sa tingin ko mas masahol ang kanyang pinagdaanan, kaya napakatagal kong inisip kung itutuloy ko ba o hindi ang aking pagtakbo. Pero, mga kababayan, ako ay pinalaki ni FPJ at ni Susan upang huwag kalimutan kung ano ang dapat gawin para sa kapwa, kung paano makatulong sa mas nangangailangan, kung paano maging tunay na Kristiyano na hindi kinakalimutan ang mga naaapi.
Kaya kahit na komportable na ako sa aking kinaroroonan sa Senado, hindi ko po tinanggihan ang hamon dahil alam ko, kung nasaan man ang tatay ko, ang mensahe ng pagtulong at ang tunay na pagtulong sa kapwa ang kanyang nais na ipagpatuloy ko. Mga kababayan, lahat ng pintas, lahat ng pagdurog sa aking pagkatao, sa aking pamilya, lahat ng mga bintang na hindi totoo ay tinanggap ko nang buong-buo, sapagkat ito ay hindi lamang para sa aking sarili kung hindi para sa inyo. Bakit ako nagdesisyong tumakbo bilang pangulo? Binabalikan ko ‘yon. Kasi, mga kababayan, nung ako ay nagdesisyon, napakalimitado ng ating opsyon. Pipili lang ba tayo – pasensya na pero kailangan ihayag – pipili lang ba tayo ng isang corrupt? Pipili lang ba tayo ng isang palpak at mabagal na walang pakiramdam? O pipili ba tayo ng isang pumapatay na walang hustisya?
Mga kababayan, hindi ako perpekto; walang taong perpekto sa mundo. Pero ako ay may takot sa Diyos at ako ay may takot sa inyo, na alam ko ‘pag hindi ko ginawa ang aking trabaho nang tama, mananagot ako sa Diyos at mananagot ako sa inyo at mananagot ako sa nanay ko. Kaya hindi man ako perpekto sa aking mga kilos at nagkakamali rin dahil tao, ‘pag alam kong mali ako, inaayos ko ang aking sarili at ginagawa ko kung ano ang nararapat. Mga kababayan, ‘yan ang ating kailangang mga namumuno sa atin, nakakaramdam; kung nagkamali man, inaamin; at higit sa lahat pinapakinggan kayo.
Ang turo sa akin ng aking nanay ay ito: "Grace, huwag mong walain ang iyonng sarili." Aaminin ko sa inyong lahat, sa sobrang hirap ng pinagdaanan ko, paminsan-minsan napapaisip ako: nasaan na ba ako ngayon? Ano ba talaga ang dapat kong gawin? Pero sa 90 araw ng aking pag-iikot, nakita ko sa bawat mukha ng mga taong sumasalubong sa akin ang dahilan kung bakit ako tumatakbo. Sa buong Pilipinas, sa lahat ng aming mga nakadaupang-palad, maraming-maraming salamat sa inyong pagmamahal at pagtanggap sa amin. Kayo ang nagbigay sa akin ng lakas.
Ang mga lola at matatandang nakakaalala pa rin sa aking ama kahit na nahihirapan nang maglakad ay lumalapit sa akin para lamang makamayan o mayakap ako ay nagbibigay sa akin ng inspirasyon. Ang mga bata na hindi pa p'wedeng makaboto pero lumalapit sa akin at sinasabi, "Grace Poe! Grace Poe, pinapanood kita. Gusto ko ang ginagawa mo." Binibigyan ako ng lakas ng (mga) ito. Ang mga nanay na lumalapit sa akin at nagsasabi: "Grace, huwag mo kaming kalimutan ha? Ang dami kong anak nahihirapan na ako. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa." ‘Yan ang nagdala sa akin dito. Ang mga tatay na lumalapit sa akin at nagsasabi: "Pinanood ko ang tatay mo, naaalala ko siya ‘pag pinapanood kita." ‘Yan ang nagpapaalala sa akin kung bakit ako naririto.
Mga kababayan, mahal na mahal ko kayo dahil sa kabila ng pintas, dahil sa kabila ng paninira, dahil sa kabila ng nakita 'nyo na ako ay hindi perpekto, ako’y isang batang nadampot, hindi ninyo ako hinusgahan. Ang ibinigay 'nyo sa akin ay pagtiwala. Nung ako ay tumakbo bilang senador, tinanggap ninyo ako nang buong-buo. Alam ba ninyo, nung ako ay lumalaki, kahit na minahal ako ng aking mga magulang at wala silang pagkukulang, minsan ang mga nakakasama ko sasabihin sa akin: "Grace, anak ka ba talaga ni FPJ at ni Susan Roces? Bakit ganyan ang hitsura mo? Kung anak ka ni FPJ, bakit ang liit mo? Kung anak ka ni Susan Roces, bakit hindi ka kasing-puti niya?" Lahat ‘yon sa bata nakakasakit ng damdamin. Pero ang aking nanay sinabi sa akin: "Huwag mong pagdudahan ang pagmamahal ko sa’yo."
Kaya, mga kababayan, naiintindihan ko ang pakiramdam ng isang taong minemenos at ‘yon ang nagbigay sa akin ng lakas na patunayan ang aking sarili, na gawin ang aking nararapat para maging isang mabuting anak, maging mabuting ina, maging mabuting asawa, at ngayon maging mabuting tagapaglingkod ninyong lahat. Kanina narinig ninyo si Angeline Quinto kumanta, “patuloy ang pangarap…” ‘Yan ang kantang minsan pinapakinggan ko. Pangarap, hindi na para sa aking sarili, kung hindi pangarap na nakita ng aking tatay at ipinasa sa akin. Pangarap para sa inyo na ang bawat Pilipino ay hindi na mag-aalala kung saan kukunin ang kakainin sa araw-araw, na ang bawat Pilipino ay hindi mag-aalala kung bukas ay may trabaho pa sila o wala, na ang bawat Pilipino ay makakasiguro na ang kanilang mga anak ay makatapos at magkaroon ng de-kalidad na edukasyon, na ang bawat Pilipino ay hindi na mawawalay sa kanilang mahal sa buhay dahil kailangan pa itong umalis sa ating bansa.
‘Yan ang pangarap ko sa inyo kaya ako ay tumakbo bilang pangulo. Gusto natin ligtas at maunlad at masagana ang ating mga mahal sa buhay. Mga kababayan, sinabi ko na sa inyo, ang mga pinagdaraanan ng marami ay pinagdaanan ko rin. Hindi ako plastic. Totoo, tumira ako sa ibang bansa kasama ng aking pamilya sapagkat gusto kong mabuhay nang marangal, na minsan ay walang oportunidad dito sa ating bayan. Sinasabi nila sa akin: "Bakit? Ang mga magulang mo kaya ka naman nilang tulungan. Bakit hindi ka na lang nanatili dito?" Mga kababayan, gusto naman naming patunayan sa aming mga magulang na kaya naming tumayo ng aming sarili, at alam ko ganoon din ang bawat Pilipino kung mabibigyan lamang ng pagkakataon. Kaya bilang pangulo, ‘yan ang gusto ko, mabuhay tayo nang marangal. Mabuhay tayo nang may dignidad na hindi tayo basta-basta inaapi.
Ang ikinalulungkot ko ngayon ay ito: naiintindihan ko kayo. Masyado na kayong pikon na pikon. Hindi na kayo naniniwala sa administrasyon ngayon. Hindi na kayo naniniwala sa gobyerno. Bakit? Dahil tuwing may reklamo, hindi naman tayo pinapakinggan. Tuwing may sinasabi tayo na dapat tanggalin sa puwesto, hindi naman tayo pinapakinggan, basta tuwid lang ang daan. Hindi naman yata tama ‘yon. Ang nakakalungkot dito, ang nangyari ay ito: ang ating mga kababayan ay dismayado na, na kakapit na lang sa patalim, maski na sino ang magsabi na tatapusin ang problema sa lalong madaling panahon.
Mga kababayan, ayokong mangako sa inyo at magsinungaling. Marami tayong dapat ayusin sa ating bayan. Pero kung gagawin natin ito (dapat ay) sa makatao na paraan at maka-Diyos na paraan. ‘Yon ang pinakaimportante. Nakakatakot isipin na para ipagpalit ang lahat ng ating mga pinaniniwalaan katulad ng ating kalayaan na hindi tayo natatakot tumayo rito at pintasan ang maski na sino. Nakakatakot isipin na may posibilidad na kung saka-sakali man merong magbabanta sa ating kalayaan na ‘pag tayo ay may masabing mali lang o ‘pag tiningnan lang tayo nang mali o meron tayong ikinilos na hindi ginusto ay p'wede tayong ipaligpit.
Mga kababayan, ang mga nagiging biktima ng ganitong uri ng pamamalakad ay ang mahihirap. Bilang isang nanay, ayoko na matatakot ako dahil hindi ko alam kung ang aking mga anak ay mapagbintangan. Importante na maging ligtas tayo at ‘yan ay magagarantiyahan ko sa inyo. Dahil ang mga babae kahit na mapasensya, kahit na malambing sa kanilang mga asawa paminsan-minsan, ‘pag nagagalit, ‘pag may banta sa pamilya, ay hindi sumusuko. Pero ang mga babae ay marunong din magpigil. Hindi naman basta-basta ‘pag may nagkamali ay isisinturon lahat.
Kaya nga, mga kababayan, sabi ko, ayaw natin ng berdugo. Ayaw natin ng executioner. Alam ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng berdugo? Noong panahon ng mga Kastila, ito ang mga nagbibigti sa ating mga kababayan. Ito ang merong suot na maskara. Hindi natin kilala ang pagkatao kung sino talaga ito at nagtatago ito sapagkat hindi kanais-nais ang hitsura o anyo. Mas importante na kilala ninyo ang inyong mga lider. Maaaring hindi ako macho, maaaring hindi ako kasing siga ng iba, pero may tapang ako ‘pag kayo na ang inaapi. Hindi ako papayag.
Kung naalala ninyo, ‘yung iba ang galing nilang maghamon sa isa’t isa, ako pinapanood ko lang sila. Pero ‘pag ako ang hinamon, hindi ako umaatras. Tingnan ninyo, sa kauna-unahang pagkakataon, ang isang babae – ako – ang inatasan sa komite ng Senado na imbestigahan ang mga pulis (dahil sa) nangyari doon sa SAF. Naalala ba ninyo ‘yung massacre na nangyari sa Mamasapano? Hindi naging madali ‘yon. Ang inimbestigahan ko ay ang pulis, ang militar, ang mga Amerikano, ang MILF, at higit sa lahat ang ating pangulo. Pero hindi ko itinago sa inyo kung sino ang mga nagkasala. Sino man sila ay ilalahad ko ang katotohanan dahil kayo talaga ang aking pananagutan.
Mga kababayan, pasensya na kung paiba-iba, palaktaw-laktaw minsan ang aking mga sinasabi dahil ito ay galing sa aking puso. Hindi ko sinulat ito bago pumunta rito pero ito ay galing sa aking puso, sa aking pag-iikot, at sa mga nakaraang araw. Kahapon lamang, ako ay inimbitahan ng kabilang partido at sinabi na mag-usap daw kami. Sinabi ito sa media sa telebisyon. Alam naman niya ‘yung number ko, kilala naman niya ako, p'wede naman niya akong tawagan maski na kailan dahil ako ay hindi naman nambabastos kahit na katunggali ko sa politika. Magkakilala naman kami. Pero ang ginawa niya ay nagsalita siya sa harapan ng kamera na iniimbitahan niya ako para mag-usap, para daw magkaroon ng pagsasama o unity.
Mga kababayan, naniniwala ako na kailangan magkaisa tayo, naniniwala ako sa unity, at ako ay bukas sa pag-uusap kung ito ay sinsero. Pero kung ang pag-uusapan natin ay para ako ay sumuko, kung ang pag-uusapan natin ay para isuko ko ang mga pangarap ninyo at aking paninindigan ay huwag na lang tayong mag-usap. Sa dinami-dami ba naman ng mga sinabi ninyo sa akin, sa lahat ng mga problemang narinig kong pinagdaraanan ninyo, sa lahat ng mali sa sistema na tinatamasa natin ngayon, ngayon pa ba ako papayag na umatras para maipagpatuloy ang dati nang mali? Hindi.
Mga kababayan, hindi ako tinuruan ng aking tatay na maging duwag. Ang sabi ng tatay ko sa akin, hindi bale na na hindi ka magwagi palagi basta ipaglaban mo ang iyong paniniwala, at ang ipinaglalaban ko ay ang kinabukasan ninyo. Kaya mga kababayan, ako ay bukas sa pag-uusap kung ang aming pag-uusapan lamang ay kung ano ang makakabuti sa inyo, at naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay dapat may boses, ay dapat may karapatan na mamili kung sino ang nararapat, at pagkatapos ‘non ay igalang. Hindi p'wedeng minamanipula ng iilang tao lamang ang mga nararapat tumakbo.
Kung naalala ninyo, sila rin naman ang nagsampa ng kaso laban sa akin eh. Sila rin naman ang nagpa-disqualify sa akin sa Korte Suprema. Nung hindi gumana ‘yon at ako ay tumakbo, ngayon nakikita nila may banta sa kabila, may banta raw sa ating demokrasya kaya kailangan ako ay umatras. Mga kababayan, matagal ko nang sinabi sa kanila na may banta sa ating demokrasya dahil hindi nila tayo pinakikinggan. Kaya nga po, mga kababayan, hindi ako nagyayabang. Nandito ako tumatakbo, ipinipresenta sa inyo ang aking sarili, lahat ng aking kakulangan pero lahat din ng aking plano para sa inyo para kayo ang may kapangyarihan na mamili at hindi lamang sila na may mga posisyon na, mga may kaya, mga may makinarya.
Sa ating lahat, kung meron man akong masasabi dito sa pagtakbo na ito, ako ay masaya at mapayapa. Alam 'nyo bakit? Dahil kahit na ako ay binato, binugbog, sinipa, tinadyakan, ako ay bumangon. Hindi ko kinalimutan ang dahilan na ako ay tumatakbo para sa inyo at hindi ko winala ang aking sarili. Ang dignidad ng mga lider, ang katapatan ng bawat lider ay mahalaga. Wala akong perang itinago sa inyo. Kung meron man akong kakaunting naipundar, ito ay dahil sa trabaho ng aking asawa at sa aking trabaho, at dahil na rin sa konting naipon ng aking mga magulang. Walang makakapagsabi na nagnakaw ako sa inyo o meron akong ikinubling pera sa bangko. Walang makapagsasabi na kung ano mang meron ako ay hindi namin pinaghirapan.
Kaya para sa inyong lahat, kung ano man ang pinagdaraanan ninyo ay naiintindihan ko, sapagkat kami rin ay kinailangan na magsikap para marating ang puntong ito. Kaya nga itong gabing ito ay pasasalamat, pasasalamat sa lahat ng tumulong sa atin, pasasalamat sa mga hindi bumitaw kahit na napakahirap ng aming pagsubok at pinagdaanan. Pagpasensyahan 'nyo na, nais kong batiin isa-isa ang mga grupong sumuporta sa atin, sapagkat ngayon ko lang mabibigyan ito ng pagkakataon. Wala naman kaming malaking pondo na naibigay sa mga grupong ito, pasasalamat lamang galing sa aming puso.
Nais kong pasalamatan… Unang-una, ayokong kalimutan pasalamatan ang aking kabiyak, ang aking asawa na si Neil. Ang aking inspirasyon na nagpapasensya sa akin magda-dalawampu’t limang taon na, na tuwing umuuwi ako sa bahay at minsan malungkot ako, palagi niyang pinalalakas ang aking loob at tinatanggap niya ako sa lahat ng aking kahinaan. Nais ko ring pasalamatan ang aking mga anak na minsan ay napipintasan dahil sa kanilang nanay ‘pag hindi gusto ng mga tao ang ginagawa. Pero Brian, Hanna, and Nikka, maraming salamat. Minsan hindi na tayo nagkikita pero alam ko na pinagpapasensyahan 'nyo ako.
Minsan nagpunta ako sa simbahan – nagsimba kami kasi minsan Linggo na lang talaga kami nagsasama – at sabi ko doon sa bunso ko: "Tumangkad ka na pala?" Dahil ilang buwan na kaming hindi talaga nagsusukatan. Dati sinusukat ko ang bawat inch ng kanyang pagtangkad. Pero ‘nung mga nakaraang ilang buwan ay hindi ko na nagawa ‘yon. Nais kong pasalamatan ang ating mga kasama: ang Adopt Grace Poe Movement, ang MMGC, ang AGPM, ang K-Poe, ang Gabay Pilipinas, ang Sama-Sama Poe, ang TGP 2016, ang Nagkakaisa Kay Poe, ang 1Ganap Guardian Inc, ang All4GP, ang Change Movers, ang P.O.E., ang GPMP, ang AKMA, ang Sigaw ng Bayan, ang Gugma sa Pagserbisyo (Cebu-Visayas), ang GP2016 Inc, ang Civil Defense Action Group Philippines; ang ating mga student volunteers na nagpuyat para lagyan ng rubberband lahat ng mga t-shirts na ibinato namin sa mga sorties… Maraming salamat po.
Nais ko ring pasalamatan ang Makabayan. Nais ko rin pong pasalamatan ang aking mga kaibigan, mga kababata ko ‘nung high school, ‘nung grade school. Malu, thank you, at sa lahat sa inyo. Hindi ko na iisa-isahin ang ating mga grupo, pero kilala na ninyo – JY, Marty – maraming salamat. Nais ko ring pasalamatan, siyempre, si Ace Durano, na talagang tumayo kasama ng aming grupo; Ram, Ka Oca… Kung hindi ko po mabanggit, alam na ninyo.
At siyempre ang akin talagang nakasama noon pa man. Nung si FPJ ay tumakbo bilang pangulo, naku, ang dami nang tsismis tungkol dito. Nagsuntukan daw sila ng aking asawa, pero kung titingnan mo, wala namang may blackeye sa kanila. Pero ito ay aking kaibigan, marami ang katulad rin sa akin, may mga sinasabing paninira pero alam ko ay talagang tapat sa paninilbihan sa inyo. Napakasipag, maraming ginawa, hindi balimbing; talagang kahit na sa hirap at sa ginhawa, hindi kayo iiwanan. Kaya nga kahit na ano pang sabihin nila, alam ko isang mabuting Pilipino, isang mabuting anak, isang mabuting tatay – papatunayan pa niya ang sarili niya bilang asawa dahil bagong kasal lang siya – walang iba kundi si Senator Chiz Escudero.
Nais kong pasalamatan ang ating mga kasamang senador, at hinihiling ko sa inyo na sana suportahan ninyo kasi lahat ng ating mga itutulak na batas sa Senado, maganda may mga kakampi tayo. Nais kong pasalamatan ang ating mga kasama, number 17, Sherwin Gatchalian; ang kanyang pamilya na kasama ang ating mayor ng Valenzuela na si Rex Gatchalian, na talaga namang lahat na ng isyu ay sinagot para sa akin. Kung makikita mo napakadisente ng aming mga kagrupo. Nandiyan rin ang ating kasama si Edu Manzano, number 30; Lorna Kapunan, 22; Migz Zubiri…
Ito taga-Maynila, kaya special mention kasi nandito sa Maynila, at minsan naluluha ako ‘pag naiisip ko ang kanyang kuwento. Minsan nagpunta kami ng Bataan at kinuwento niya sa akin na kasama siya sa mga trabahador na hinahakot para doon sa mga pataniman ng palay ‘pag nag-aani na sila. Hanggang Bataan ay nakakarating siya para maghanap ng trabaho para sa kanyang pamilya ‘nung siya ay bata pa hanggang sa naging artista. Walang iba kung hindi si Isko Moreno Domagoso. Nais ko ring pasalamatan – Paano ko naman makakalimutan ito? – ‘yung kapatid ni Isko Moreno, walang iba kung hindi ang isa ring matapang na palagi akong dinedepensa at palagi ring dinedepensa ang masang Pilipino, walang iba kung hindi si Neri Colmenares.
Siyempre, nandiyan din ang isang matapang nating senador, general na sana ay dalhin natin sa Senado para ang ating peace and order situation ay mas lalong maayos – si Senator Samuel Pagdilao. At ito rin, kung matatamasa na natin ang tunay na libreng edukasyon, ito ay dahil sa kanyang ipinaglaban para sa lahat ng mga estudyante lalong-lalo na ang mga mahihirap; isa talagang may paninindigan, hindi rin nang-iiwan, walang iba kung hindi si Roman Romulo. At ito isang babaeng aking hinahangaan, wala ring takot, ipinaglalaban ang mga OFW – Susan Ople. Ito rin, alam mo ito, maraming gustong partido na isama siya dahil ang dami na niyang napatunayan sa kanyang lugar sa Subic at bilang isang tumutulong sa Red Cross, walang iba kung hindi ang ating hinahangaan, nag-umpisa ng “Wow Philippines!” Walang iba, ibalik sa Senado, Senator Dick Gordon.
Ito naman kasama ko sa Senado, napakatalino, ang dami ring mga ipinasang batas para makatulong sa ating mga kababayan. Sa budget, siya ang gumagawa ng paraan para mabigyan ng pondo ang maraming programa para sa mahihirap. Walang iba kung hindi si Senator Ralph Recto, ibalik natin sa Senado. At ito naman, kaibigan ng aming pamilya, kaibigan ng aking ama na si FPJ; may paninindigan din, hindi balimbing, perfect ang attendance sa Senado, walang absent; ang daming mga batas na itinulak at ipinasa, kasama na doon ‘yung Dangerous Drugs Act para labanan ang mga problema natin sa droga; walang iba kung hindi si Senator Tito Sotto.
Kaya mga kababayan, kanina galing ako sa Pangasinan, at medyo naluha ako sapagkat doon talaga nag-umpisa.‘Nung ako ay nag-iisip tumakbo, pumunta ako doon dahil ‘yon ang lugar ng aking ama, at hindi ko makakalimutan na kahit na saan ako pumuntang lugar ngayon sa Pilipinas ay maluwag ang pagtanggap sa akin. Isang batang sinasabi nila noon ay nadampot lang. Kaya kung ako ay nakarating sa puntong ito, nais ko na ang bawat Pilipino ay magkaroon din ng pagkakataon. Kung meron lang kakayanan ang mga magulang na alagaan ang kanilang mga anak, na may sapat na pera para mabigay ang pangangailagan sa edukasyon, pagkain at proteksyon, wala akong duda na lahat tayo ay magiging matagumpay.
Kaya sa inyong lahat, isa na lang apela, hinihiling ko ang inyong panalangin at hinihiling ko ito: Kung pipili kayo, tandaan ninyo ito, na ang gobyerno ang dapat managot sa inyo, hindi kayo ang dapat takot sa gobyerno. Hindi po tayo dapat madala sa pananakot. Dapat tayo ay madala dahil ang gobyerno ay ibinibigay sa atin ang ating pangangailangan at may paggalang sa bawat isa sa atin. Kaya mga kababayan, muli, itong aking pagtakbo ay inaalay ko sa inyong lahat.
At gaya nga ng sinabi ng aking ama, kayo ang huhusga, kayo ang magsasabi kung karapat-dapat o hindi at huwag ninyong wawalain ang karapatan na ‘yan. Bantayan natin ang ating boto, at higit sa lahat, magdasal tayo sa Diyos na sana sa darating na anim na taon, hindi takot ang manaig sa atin kung hindi kaginhawaan para sa bawat isa; na isang lider na talagang tutugon sa inyong pangangailangan, pakikinggan kayo, maiintindihan kayo at madarama ang nadarama ninyo para ibigay ang nararapat, para ibigay kung ano man ang dapat ibigay sa bawat Pilipino. Muli, ako ay nagpapasalamat sa Diyos sa kanyang proteksyon, at ito ay inaalay ko sa Kanya. Magandang gabi po sa inyong lahat.
– Rappler.com
2016 presidential candidates' speeches on the final day of campaigning: