MANILA, Philippines – On the final night of the 2016 campaign, Vice President Jejomar Binay came home to Makati, the city he served for decades as mayor, and spoke to his supporters at his miting de avance.
Speaking in Filipino, he said the real voice of the "silent majority" will be heard on Monday, May 9, election day, and that he will prevail in the race for Malacañang.
Here's the full text of Binay's speech at his final campaign rally:
***
Mga kababayan, mga kapwa Pilipino,
Sa darating na Lunes, Mayo a-nuebe, ay magpapasya na ang bayang Pilipino.
Sa loob ng dalawang araw, itatakda na natin ang kinabukasan ng ating bansa, ng ating mga anak, ng ating mga apo, ng susunod pang henerasyon ng Pilipino.
At sinasabi ko sa inyo, itaga ninyo sa bato, ang kinabukasan na yan ay kinabukasan na nagsimula at nagbunga dito sa mahal nating lungsod ng Makati.
Sa nakaraang 3 buwan, naikot ko ang bawat sulok ng ating bansa.
Nakausap ko ang ating mga kababayan hindi lang sa mga lungsod, kundi maging sa mga kabukiran.
Nakausap ko ang lahat ng sektor – mga relihiyoso, manggagawa, magsasaka, mangingisda, mga kabataan, mga kababaihan, mga kapatid nating Muslim, mga indigenous people.
At iisa lang ang sinasabi nila: si Jojo Binay ang iboboto nila sa Mayo a-nuwebe.
Kayo ang mga kababayan natin na hindi napupuntahan madalas ng media. Kayo ang mga kababayan natin na hindi natatanong sa mga survey. Kayo ang mga taong hindi nakatamasa ng ipinagmamalaking kaunlaran ng kasalukuyang administrasyon.
Kayo ang mga hindi pinapansin, ang mga walang tinig. Kayo ang mga tunay na silent majority.
Ngunit minsan sa loob ng 6 na taon, kayo ay nabibigyan ng pagkakataong ipahayag ang inyong tunay na nararamdaman.
At ang inyong damdamin, ang inyong tunay na saloobin, ang isisigaw ng tunay na silent majority sa araw ng halalan – only Binay!
Magtiwala kayo, sa araw ng eleksyon, magtatagumpay tayo!mananalo ako bilang Pangulo ng Pilipinas!
Ngunit ang ating tagumpay ay nakasalalay sa maraming bagay.
Dapat ay lumabas at bumoto tayo sa araw ng eleksyon.
Sa araw ng eleksyon, lahat tayo –mayaman at mahirap – ay pantay pantay.
Lahat tayo ay may tig-isang boto. Kayat mahalaga na gamitin natin ang karapatang ito.
Mahalaga rin na bantayan at pangalagaan ang ating boto.
Ngayon pa lang ay may nababalitaan na tayong mga pangyayari lalo na sa Mindanao na nakakabahala.
Kayat ang aking panawagan sa ating lahat, magbantay at pangalagaan ang ating boto.
Ngunit ang mas malaking responsibilidad para tiyakin na walang dayaan, na walang panggigipit, na walang karahasan sa araw ng halalan, ay nakasalalay sa ating pamunuan.
Mister president, ako po ay nakikiusap sa inyo hindi bilang pangalawang pangulo kundi bilang isang karaniwang Pilipino.
Sana po ay gamitin ninyo ang inyong kapangyarihan bilang ama ng ating bansa upang tiyakin na malinis at mapayapa ang halalan sa darating na lunes.
Sana naman po, sa natitira ninyong araw sa malakanyang, ay gugulin ninyo ito sa pagbibigay ng isang pamana sa taumbayan. Isang pamana na kikilalanin at ipagmamalaki ng ating bansa at ng ating kababayan.
Ito ang pamana ng pagtataguyod sa demokrasya at pagkilala sa tunay na tinig sa taumbayan sa darating na halalan.
Ito ang naging pamana ni Pangulong Cory Aquino. Sana naman ay ito rin ang inyong maging pamana sa taumbayan.
Sa Comelec, gusto kong ipaabot sa inyo na habang papalapit ang halalan ay nababahala ang maraming sektor. Tungkulin ninyo na kalmahin ang taumbayan at alisin ang anumang pagdududa na nasa kanilang damdamin.
Sa ating mga pulis at militar, panahon na para ipakita na kayo ay tunay na mga naglilingkod sa bayan, at hindi lamang sa iilan.
Hiling ko ay maging tapat kayo sa inyong uniporme at sa inyong sinumpaang tungkulin na ipagtatanggol ang sambayan at itataguyog ang ating Saligang Batas.
At sa ating mga kababayan, tandaan natin na sa Lunes ang tunay na araw ng inyong kalayaan.
Ito ang araw na malaya kayong makakapamili. Ito ang araw na malaya kayo sa dikta, bukod lamang sa dikta ng inyong konsensya.
Huwag nating isuko ang kalayaang yan, kahit sa pera, sa dikta ng mga pulitiko, o sa sa pananakot ng iilang maiingay.
Tumindig tayo at ipaglaban ang ating kalayaan.
Tiwala ako na sa Lunes, iisa lang ang magiging hatol ng sambayanan.
Isang gobyerno na pamumunuan ko na hindi manhid at palpak
Isang gobyerno na pamumunuan ko na may malasakit sa
mahihirap
Isang gobyerno na pamumunuan ko na kumikilala sa batas ng tao at sa batas ng Diyos
Isang pamunuan na maghihilom ng sugat ng mga away at pagtutunggali
Sino pa ba? Only Binay. – Rappler.com
Presidential candidates' speeches on the final day of campaigning: