MANILA, Philippines – President Benigno Aquino III called on Filipinos to be on the side of justice, as he delivered his final Lenten message as chief executive on Wednesday, March 23.
The President also urged everyone to strengthen their love for others, which he said was the driving principle behind his administration's "Daang Matuwid" (Straight Path) campaign against corruption.
Aquino's message comes as the country prepares to elect new leaders in less than two months.
Below is the full text of the President's Lenten message.
Mga minamahal kong kababayan, panahon ng pagninilay ang Semana Santa. Sa mga sandaling ito, nagbabalik-tanaw tayo sa buod ng ating kaligtasan. Bunsod ng pagmamahal sa ating lahat at Diyos Ama, nagsakatawang-tao si Hesukristo at kusang-loob na tinanggap ang pahirap upang isalba tayong lahat sa kasalanan.
Samakatuwid, pag-ibig ang dumaing sa mga hamong hinarap ng sanlibutan. Maaalala natin sa hardin sa Gethsemane, alam ni Hesus ang lahat ng kanyang haharapin. Alam niyang pagtataksilan siya ng isa niyang kasamahan. Alam niyang dadaan siya sa hagupit ng latigo, sa hapdi ng koronang tinik at sa sakit ng mga pako sa kamay at paa. Ito nga ang dahilan kung bakit sa aklat ng Mateo 26:39 nananalangin siya sa Diyos Ama at sinabing: "Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito nang paghihirap ngunit hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban Niyo ang mangyari."
Inulit pa ni Hesukristo ang kanyang pag-aalay sa sarili sa aklat ng Mateo 26:42 at sinabing: "Ama ko, kung hindi maaaring maalis ang kopang ito, malibang inumin ko, mangyari nawa ang Inyong kalooban."
Kung tutuusin, bilang bugtong na Anak ng Diyos, pwede namang iniwasan na lang niya ang lahat ng mga pasakit ngunit batid ni Hesukristo ang kanyang dakilang misyon. Bukal sa puso niyang inialay ang kanyang sarili para matupad ang kalooban ng Diyos. Ang pagmamahal na ipinamalas niya ang naging tulay sa ating kaligtasan.
Wala nga pong hihigit sa ehemplo ng sakripisyo at pagmamahal kundi ang buhay ni Hesukristo. Kung ang ating Panginoon mismo ay handang ibigay ang sarili sa karaniwang tao, hindi ba't mas handa dapat tayong kumilos para sa kapakanan ng ating kapwa.
Ayon nga sa aklat ni Juan 13:34-35, inutos ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Mag-ibigan kayo kung paanong inibig ko kayo gayundin naman mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."
Marami na nga pong pagkakataon kung saan masasabi nating nasundan natin ang yapak ni Hesukristo. Kung saan sa pagmamahal natin sa kapwa, naipaglaban natin ang tama at naiwaksi ang mali. Naisulong natin ang pag-angat nang walang maiiwan, lalo na ang mga nasa laylayan.
Sa pag-ibig natin sa kapwa, alinsunod sa aral ng Panginoon, buong loob nating isinulong ang Daang Matuwid. Nilabanan natin ang korupsyon at kahirapan upang maipamana ang mas maliwanag na bukas sa mga susunod na salinlahi.
Sa pag-ikot po natin sa bansa, harapan kong nakikita ang layo ng ating narating kumpara sa ating dinatnan. Napakasarap pong gunitain ang dami ng ating napagtagumpayan ng halos walang dagdag na pabigat sa bawat isang nakiambag.
Ang panalangin ko: Lalo pa nating paigtingin ang pagmamahal sa kapwa at lagi tayong pumanig sa tama at makatwiran. Sa ating pagkakaisa at pagsunod sa ehemplo ni Hesukristo, makakamit natin ang lahat ng ating minimithi.
Isang mapagnilay na Semana Santa po sa ating lahat.
– Rappler.com