Quantcast
Channel: Rappler: News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 47792

FULL TEXT: Jejomar Binay: 'Bukas, ginhawa sa bawat pamilyang Pilipino'

$
0
0

UNA STANDARD-BEARER. Vice President Jejomar Binay delivers his speech before 30,000 supporters in Welfareville, Mandaluyong City on February 9. Photo by Rob Reyes/Rappler

MANILA, Philippines – Vice President Jejomar Binay officially launched his campaign for the presidency on Tuesday, February 9, in Welfareville, Mandaluyong City, with a promise of "meaningful changes" for the poorest Filipinos which, he said, the current administration failed to deliver.

In his speech, the standard-bearer of the United Nationalist Alliance asked the audience to imagine how it is to live with access to free health care and  education, 3 meals a day, jobs, and good and prompt service from government. These are what he promises to deliver, he said, the same way he made it possible in Makati during the years he was mayor.

 

He promised to take 4 specific steps to improve the lives of ordinary Filipinos in his first year as president. Read the full text of his speech below to find out what these are:

Mga kababayan, mga kapwa Pilipino:

Sa gabing ito, sa piling ninyong lahat, sa piling ng masang Pilipino, nakikita ko, naririnig ko, ramdam na ramdam ko, ang pagkauhaw at paghahangad ninyo ng makabuluhang pagbabago.

Pagbabago tungo sa isang Pilipinas na pinagsasaluhan at tinatamasa ang pag-unlad. Hindi lamang ng iilang mga mayayaman, kundi lahat ng Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.

Pagbabago tungo sa isang pamahalaang taimtim na nakikinig, kumikilos nang mabilis at naglilingkod nang tapat sa bawat mamamayan.

Pagbabago tungo sa isang bansang payapa, masagana, at taas-noong humaharap sa mga hamon ng mundo.

Matatandaang sa simula ng kasalukuyang administrasyon, ipinangako sa atin na sa loob ng mag-aanim na taon ay mawawala na ang kahirapan. Nakakahiya.

Malapit nang matapos ang 6 na taon, ngunit imbes na mawala o mabawasan man lamang ito, mas lalo pang dumami ang mahihirap na Pilipino.

At sa gitna ng pag-unlad ng iilan sa sinasabing tuwid na daan, milyun-milyong kababayan pa rin natin ang walang trabaho, lugmok sa hirap, kapos sa pag-aaral, kulang ang pambili ng gamot at araw-araw aykumakalam ang sikmura.

Mga kababayan, ito ang tunay at masaklap na kalagayan ng ating bansa noon pa man at hanggang ngayon.

Hindi ba’t nakakalungkot isipin na kung sino pa ang gumagawang ng mga matatayog na gusali at mararangyang mansyon, siya pa ang walang sariling tahanan?

Kung sino pa ang nagtatanim at umaani ng butil na ating kinakain, siya pa ang laging nagugutom?

Kung sino pa ang bumubuhay at nagtataguyod ng ating industriya, siya pang binubuwisan ng malaki at walang katiyakan sa trabaho. 

Kung sino pa ang kapos at nangangailangan, siya pang pinagkakaitan ng serbisyo ng pamahalaan. Sobra na, tama na ang mga kabuktutang ito.

Mga kababayan kong Pilipino, walang saysay ang pinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya kung marami ang naghihirap. 

Walang kabuluhan ang pag-unlad kung marami ang walang trabaho. 

Balewala sa isang taong gutom ang magandang balita tungkol sa ating ekonomiya.

Dapat may pagkain sa mesa ng bawat Pilipino. Dapat may trabaho ang may kakayanang magtrabaho. Dapat nakakapag-aral ang mga kabataang pag-asa ng ating bayan. Dapat may murang gamot ang mga taong may sakit at walang namamatay sa kahirapan.

At dapat di na ang lahat ng ating mga kababayang Pilipino ay nabubuhay nang maginhawa at kasama sa pag-unlad ng ating bayan.

Mga kababayan kong Pilipino, halos 6 na taon na ang lumipas ngunit hanggang ngayon, lubhang napakailap pa rin ng kasaganahan sa maraming Pilipino.

Halos 6 na taon na ang dumaan ngunit lubhang napakailap pa rin ng katahimikan.

Halos 6 na taon na ang dumaan, ngunit lalong dumami ang walang hanapbuhay, ang nagugutom, at ang naghihirap.       

Kayat ngayong papalapit na ang halalan, nangangarap, at umaasa tayo ng tunay at makabuhulang pagbabago.

Nangangarap at umaasa tayo ng isang pamunuan na hindi magiging manhid, palpak, at kapos sa pagkalinga sa mahihirapnating kababayan.

Sa darating na halalan, muling mabibigyan tayo ng pagkakataong iwasto ang mali.

Sa darating na halalan, muling ibinabalik sa atin ang kapangyarihan na mamili ng mga taong may karanasan, may kakayanang mamuno, at may tunay na malasakit sa mahihirap.

Sa darating na halalan, muling ipinagkakaloob sa atin ang kapangyarihang gawing totoo ang ating mga pangarap.

Kaya mga kababayan, kapwa Pilipino, sabay-sabay tayong mangarap. Ipikit natin ang ating mga mata at ilarawan sa ating isipan: 

  • Libreng gamot at pa-ospital, lalo na para sa mga mahihirap.
  • Libreng edukasyon, gamit pang-eskwela, uniporme, at aklat-pampaaralan.
  • Pagkain sa bawat mesa 3 beses araw-araw.
  • Trabaho sa may kakayanang magtrabaho. 
  • Maayos at maagap na serbisyo mula sa inyong pamahalaan.

Mga kapwa kong Pilipino, noong ako ay magsimulang maglingkod bilang alkalde, ganyang-ganyan din ang pinangarap namin ng mga taga-Makati.

Ngunit marami sa aming kritiko ang nagsabing panaginip lang ito. Hindi ito pwedeng gawin, hindi ito pwedeng mangyari.

Pinatunayan namin sa mga namimintas at naninira na sila ay nagkamali. Ang mga pangarap noon, nangyayari at tinatamasa ng mga taga-Makati ngayon!

Kaya’t sa gabing ito, inuulit ko ang lagi kong sinasabi sa ating mga kababayan sa mga probinsya: ang nagawa namin sa Makati, gagawin natin sa Pilipinas.

Ngunit may 4 na dapat gawin kaagad upang maramdaman ng ating mga kababayan ang ginhawang hindi nila naramdaman sa nakalipas na mag-aanim na taon. Itong 4 na hakbang na ito ay pasisimulan ko sa unang taon ng aking pagka-pangulo.

Kapag ako na ang pangulo ng Pilipinas, sisiguraduhin ko:

Na ang halos 20 milyong estudyante sa mga pampublikong paaraalan ay tatanggap ng libreng aklat, uniporme at mga gamit pampaaralan! Para sa programang ito, maglalaan tayo ng higit na P65 bilyon sa ating pambansang budget.

Kapag ako na ang pangulo ng Pilipinas, makikipagtulungan ang pamahalaan sa mga local governments at private sector para makapagpagamot ng libre ang mga mahihirap nating kababayan!

Kapag ako na ang pangulo ng Pilipinas, ipagpapatuloy, palalawakin at lilinisin natin ang Programang Pantawid Pamilya Pilipino o 4Ps!

Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan na ititigil daw ng inyong lingkod ang 4Ps. Hindi lang natin ipagpapatuloy, palalawakin pa natin para makasama ang mga edad 60 hanggang 64, at ang mas marami pa nating kababayan. 

Lilinisin natin  ang programa para matiyak na walang palakasan at pulitika at walang nasasayang na pondo. At titiyakin natin na matatanggap ang 4Ps sa tamang oras.

At kung ako na ang pangulo ng Pilipinas, aalisin natin ang income tax ng mga kababayanan natin na kumikita kada buwan ng P30,000 at pababa! 

Sa mga nagsasabing hindi ito pwedeng mangyari dahil malulugi ang pamahalaan, simple lang ang sagot ko: bilyun-bilyon ang nawawala sa pera ng bayan sa smuggling. Bilyon-bilyon ang nawawala dahil hindi wasto ang pangongolekta ng buwis sa mga mayayaman. Bilyun-bilyon ang nasasayang dahil sa hindi wastong paggastos ng mga departamento ng pamahalaan. Yan ang dapat asikasuhin, hindi ang pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino.

Ang lahat ng iyan, at higit pa, ang gagawin natin sa unang taon ng aking administrasyon.

 

{source}<div id="fb-root"></div><script>(function(d, s, id) {  var js, fjs = d.getElementsByTagName(s)[0];  if (d.getElementById(id)) return;  js = d.createElement(s); js.id = id;  js.src = "//connect.facebook.net/en_US/sdk.js#xfbml=1&version=v2.3";  fjs.parentNode.insertBefore(js, fjs);}(document, 'script', 'facebook-jssdk'));</script><div class="fb-video" data-allowfullscreen="1" data-href="https://www.facebook.com/maraalyssabelcepeda/videos/10208712288754472/"><div class="fb-xfbml-parse-ignore"><blockquote cite="https://www.facebook.com/maraalyssabelcepeda/videos/10208712288754472/"><a href="https://www.facebook.com/maraalyssabelcepeda/videos/10208712288754472/"></a><p>WATCH: VP Binay&#039;s speech at UNA&#039;s proclamation rally in Welfareville, Mandaluyong</p>Posted by <a href="https://www.facebook.com/maraalyssabelcepeda">Mara Cepeda</a> on Tuesday, February 9, 2016</blockquote></div></div>{/source}

 

 

 

Sa mga nagsasabing hindi kayang gawin, sa mga nagsasabing hindi pwedeng mangyari ang lahat ng sinabi ko, ang sagot natin:

Kung kayo ang mauupo sa pwesto, talagang hindi mangyayari ang tunay na pagbabago. Talagang hindi giginhawa ang buhay ng masang Pilipino. 

Ngunit kung ang inyong lingkod ang bibigyan ninyo ng pagkakataon, ang lahat nang sinabi ko, magkakatotoo. Ang hangad ninyo na trabaho, maayos na serbisyo, at pamahalaang kumakalinga sa inyo, magkakatotoo sa administrasyon ni Jojo Binay. 

Mga kababayan, mga kapwa Pilipino, sa dami ng problemang iiwanan ng kasalukuyang administrasyon, kailangan natin ng isang pangulo na handang gawin ang dapat gawin upang maiahon sa kahirapan ang nakararami nating mga kababayan.

Kailangan natin ng isang pangulo na gagawin ang lahat upang maiangat ang antas ng kabuhayan ng nakakarami.

Kailangan natin ng isang pangulo na tapat at tunay na maglilingkod sa masang Pilipino.

Kailangan natin ng isang pangulo na hindi umiiwas, hindi nananahimik, hindi naninisi at hindi nalilito sa panahon ng krisis.

Kailangan natin ng isang pangulo na tunay na kumakalinga sa mahihirap. 

Ang ganyang uri ng pagka-pangulo ay hindi napag-aaralan. Hindi yan nakukuha sa mga aklat na binabasa. 

'Yan ay isang pamumuno na nahuhugot mula sa karanasan at naka-ukit sa puso.

Ang tinutukoy ko ay paglilingkod na hindi nakukuha sa salita. Napakadaling mangako, lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Ngunit ang mas mahalaga, ang nagawa na at ang gagawin pa para sa bansa at para sa sambayanan.

Mga kababayan, mga kapwa Pilipino, mga nagmamahal sa ating bansa, mga hindi nang-iiwan sa gitna ng laban.

Kayo ang tunay na magpapasya. Kayo ang tunay na magtatakda.

Kayo ang may kakayanang magtimon ng kinabukasan ng ating bansa. 

Sa loob ng maraming taon, lalong lalo na sa nakalipas na mag-aanim na taon, sa inyo ako kumuha ng lakas upang harapin ang lahat ng batikos, panglalait, paghamak at paninira.

Masakit ang mga binitawang salita at paratang laban sa akin at sa aking pamilya. Ngunit mas masakit para sa akin ang makita ang mga kababayan nating naghihirap at nagugutom sa gitna ng kasaganahan at maling pamahahala. Ang ganyang kalakaran ay hindi na dapat magpatuloy.

Kapag ako ang inihalal ninyong pangulo ng Pilipinas, sa inyo ako patuloy na kukuha ng lakas upang harapin ang anumang hamon.

Sa inyo ako kukuha ng lakas upang itaguyod ang isang pamahalaan na tunay na naglilingkod sa masang Pilipino. 

Sa inyo ako kukuha ng lakas upang matupad ang ating mga pangarap - para sa ating mga anak, sa ating mga pamilya at sa ating mahal na bansang Pilipinas.

Namnamin natin ang gabing ito, mga kababayan.  

Ito ang bisperas ng ating paglaya sa kahirapan, sa kawalan ng trabaho, sa kulang-kulang at makupad na serbisyo, sa kapalpakan, at sa manhid na pamamahala at sa walang katuturang paninira, pagmamalinis at pulitika ng paghihiganti at hidwaan. 

Tandaan natin sa gabing ito ang simula ng pagbubuo ng pambansang pagkakaisa. 

Susi ito ng ating mabilis na pag-unlad at matibay na tiwala at kumpiyansa  sa ating pagka-Pilipino.  

Mahalin natin ang ating kapwa lalo na yaong maliliit, may kapansanan, inaapi at mahihirap. Tungkulin natin ito hindi lamang bilang mabuting Pilipino kundi bilang mga kristiyanong gumagalang at sumusunod  sa dakilang aral at  utos ng diyos.

Bukas, sisimulan nating itatag ang pamahalaang magpapaunlad sa ating bayan; ang pamahalaang magpapabuklod-buklod sa ating mamamayan; ang pamahalaang may malasakit sa mahihirap; ang pamahalaang may kakayahan at layuning maghatid ng ginhawa sa bawat pamilyang Pilipino.

Magsama-sama tayo sa ating panalangin sa Poong Maykapal para maiangat natin ang buhay ng bawat Pilipino. 

Maraming salamat sa inyong lahat, pagpalain nawa tayo  ng Poong Maykapal. 

Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 47792

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>